ANO ANG GAMOT SA SCABIES O KURIKONG?
Ang gamot sa scabies o kurikong ay ang pagpapahtid ng isang lotion gaya ng Permethrin o Ivermectin sa buong katawan, mula leeg pababa, at ang pagpapanatili ng lotion sa balat sa loob ng walong oras. Dahil dito, ang rekomendasyon ay ang paggamit ng lotion bago matulog.
Sa karaniwang kaso ng scabies, isang lagayan lamang ng lotion ay sapat na upang masupil ang sakit, subalit kung malala ang kaso, maaaring ireseta ng doktor ang isa pang pahiran makatapos ang isa o dalawang linggo.
Narito ang mas detalyadong gabay sa paggagamot ng scabies o kurikong:
1. Siguraduhing sapat ang dami ng lotion na ipapahid. Huwag kalimutang isama ang mga lugar gaya ng likod, paa (pati gilid ng mga daliri ng paa), mga daliri, at pati ang ari. Huwag din kalimutan ang mga kilikili, singit, at palibot ng utong.
2. Kung ang may kurikong ay isang sanggol, lagyan siya ng gwantes o mittens para hindi niya madilaan ang lotion. Kung ang may kurikong ay nagpapasuso o breastfeeding, hugasan muna ang mga suso bago magpadede, at mag-apply ulit ng lotion pagkatapos.
3. Hugasan ang mga damit, tuwalya, at mga bedsheets ng may kurikong sa mainit na tubig (lagpas sa 50 C), o kaya ibukod ito sa mga lalagyan ng hindi kukulang sa 72 na oras para mapatay ang mga surot.
Inaasahan na mawawala ang pangangati sa loob ng isa hanggang tatlong linggo. Magpatingin sa doktor kung hindi pa ito nawawala paglampas ng panahong ito.
RETRIEVE FROm : http://kalusugan.ph/ano-ang-gamot-sa-scabies-o-kurikong/
RETRIEVE FROm : http://kalusugan.ph/ano-ang-gamot-sa-scabies-o-kurikong/
No comments:
Post a Comment