HALAMANG GAMOT: KAKAWATE (MADRE KAKAW)
KAALAMAN TUNGKOL SA KAKAWATE (MADRE KAKAW) BILANG HALAMANG GAMOT
Scientific name: Gliricidia sepium (Jacq.) Steud.; Robinia sepium Jacq.
Common name: Kakawate, Madre Kakaw (Tagalog); Gliricidia, Aaron’s rod, St. Vincent’s Plum (Ingles)
Ang kakawate o madre kakaw ay isang puno na karaniwan sa mga lugar sa Southern Tagalog Region. Ito ay kadalasang nakatanim bilang ornamental dahil sa bulaklak nito na kulay mapusyaw na rosas (pink). Ang bunga nito kahalintulad ng bataw o pods na lumilikha ng tunog kung sakaling matutuyo sa araw.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA KAKAWATE (MADRE KAKAW)?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kakawate ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang halamang kakawate ay mayroong formosin, formononetin, gliricidin-6a-gliricidol-9a, medicarpin (pterocarpan), 7,4′-dihydroxy-3′-methoxyisoflavin, 2’O-methylsepiol, tannin, at trihydroxyflavone.
- Ang kahoy nito ay may taglay na stigmastanol glucoside at 3’4-dihydroxy-trans-cinnamic acid octacosylester 2
- Ang buong puno nito ay may tannin na mabisang panggamot sa maraming kondisyon.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Karaniwang nilalaga ang dahon ng kakawate upang magamit bilang gamot. Ito ay iniinom nang parang tsaa. Maaari din itong durugin o dikdikin upang ipantapal sa ilang kondisyon sa balat.
- Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ay pinakukuluan din upang magamit ang pinaglagaan sa paggagamot.
- Ugat. Ang ugat, tulad din ng balat ng kahoy, ay pinakukuluan upang magamit ang pinaglagaan sa paggagamot.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG KAKAWATE (MADRE KAKAW)?
1. Dermatitis. Ang katas dahon o kaya ay pinaglagaan nito kasama ng ugat at balat ng kahoy ng kakawate ay mabisa para sa mga kondisyon sa balat tulad ng dermatitis. Ipinanghuhugat lamang ang mga ito sa apektadong balat.
2. Kagat ng mga insekto. Mabisang pantaboy sa mga insekto ang pagpapahid ng dahon ng kakawate.
3. Sugat. Nakatutulong nang malaki sa mabilis na paghilom ng sugat ang dagta na nakukuha mula sa kahoy, ugat, at dahon ng kakawate.
4. Galis. Ang paggagalis sa balat ay maiibsan din ng pagpapahid ng katas mula sa dahon, kahoy at ugat ng kakawate. Maaari din gamitin bilang pampahid ang dinikdik na dahon ng kakawate na hinalo sa langis ng niyog.
5. Impeksyon ng mga organismo sa katawan. Ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kakawate ay mabisang pang alis ng impeksyon ng maliliit na organismo sa katawan gaya ng amoeba.
6. Rayuma. Ang pananakit ng mga kasukasuan ay maaaring maibsan sa tulong ng pagtatapal ng dinikdik na dahon ng kakawate.
7. Pilay sa paa (sprain). Ipinangtatapal din ang dinikdik na dahon ng kakawate upang maibsan ang pilay sa paa na dulot ng tapilok.
8. Tulo o Gonorrhea. Ang impeksyon ng bacteria na nakaaapekto sa ari ng babae o lalaki ay maari ding magamot ng paghuhugas gamit ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kakawate.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.
No comments:
Post a Comment